-- Advertisements --

Posibleng para sa special-need population segment lamang ibibigay ang COVID-19 booster shots, ayon sa dalawang miyembro ng Vaccine Expert Panel ng Department of Health (DOH).

Ayon kay VEP head Dr. Nina Gloriani, kinukonsidera nila ito lalo pa at may mga reports ngayon hinggil sa bumababang immunity ng mga nabakunahan.

Sinabi ni VEP member Dr. Rontgene Solante na kabilang sa special populations ay iyong mayroong HIV, cancer, chronic kidney disease, mga matatanda, at iyong mga umiinom ng immunosuppressive drugs.

Nauna nang nilinaw ng DOH na hindi pa inirerekomenda ng mga eksperto ang paggamit ng COVID-19 booster shots dahil sa limitadong datos pa sa kasalukuyan.

Iginiit ng iba pang mga miyembro ng VEP na ang focus dapat sa ngayon ay hindi sa pagbili ng mga booster doses kundi ang pagbabakuna sa mas marami pang mga tao.