-- Advertisements --

Nagbabala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maaaring maging “bad precedent” ang pagbibigay umano ng Senado ng protective custody kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na aniya ay posibleng makasira sa tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng batas at sistema ng hustisya.

Ayon kay Matibag, kung pahihintulutan umano na magamit ang Senado bilang kanlungan ng isang taong may kinahaharap na arrest warrant, maaari itong magbigay ng impresyon na may mga institusyong puwedeng takasan ang pananagutan.

Binigyang-diin niya na may nakikita siyang “breakdown of law and order” kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.

Dagdag pa ng NBI chief, may pananagutan ang sinumang tumatanggap ng kustodiya sa isang indibidwal na kalaunan ay maaaring mawala o hindi maipatupad ang batas laban dito, na inihalintulad niya sa responsibilidad ng baggage counter sa isang tindahan sa pag-iingat ng iniwang gamit ng customer.