-- Advertisements --

Tiniyak ng PhilHealth sa kanilang mga miyembro na tuloy pa rin ang benepisyo ng mga COVID-19 patients sa kabila ng pagsuspinde sa kontrobersyal na interim reimbursement mechanism (IRM).

Sa isang advisory, sinabi ng PhilHealth na hindi apektado sa naturang suspensyon ang kanilang “regular Covid 19 inpatient benefits, testing  and community isolation packages”.

Noong Huwebes nang inanunsyo ng state health insurer ang kanilang cash advance mechanism sa mga ospital at healthcare facilities dahil sa issue ng korapsyon.

Nilinaw ng PhilHealth na ang suspensyon ng IRM ay paraan nila para silipin ang overall implementation nito at para na rin maresolba ang mga issue na naungkat sa mga congressional inquiries.

Gayunman, nanindigan ang ahensya na “legal and necessary” ang IRM para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Ayon sa PhilHealth ang IRM ay isang “special privilege” para sa mga eligible Health Care Institutions (HCI) na direktang tinamaan ng aniya’y “fortuitous events”.

Sa ganitong paraan ay makakapagpatuloy sa kanilang operasyon ang mga HCIs na ito para sa mga nangangailangang Pilipino.

Base sa data na inilabas ng state insurer, ang Davao City-based Southern Philippines Medical Center ang siyang nakatanggap ng pinakamalaking cash advances sa ngayon mula sa IRM, na nagkakahalaga ng P326 million.

Sinundan ito ng UP-Philippine General Hospital na may natanggap nang cash advances na P236 million, at Davao Regional Medical Center na may P209 million.