-- Advertisements --
BIRD FLU

Inanunsyo ng DA na ang Cotabato ay cleared na mula sa avian influenza o bird flu.

Idineklara ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Tiu ang bird flu-free status ng lalawigan sa Memorandum Circular No. 51.

Matatandaan na anim na kaso ng highly pathogenic avian influenza subtype H5N1 ang nakita sa mga itik sa mga bayan ng M’lang, Tulunan at Carmen noong Marso, Abril at Disyembre noong nakaraang taon.

Ang mga concerned local government units sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA)-Soccsksargen field office at Bureau of Animal Industry (BAI) ay nagsagawa ng disease investigation, immediate depopulation, cleaning and disinfection, movement restrictions at surveillance sa mga apektadong lugar alinsunod sa avian influenza protection program guidelines.

Sinabi ng DA na ang bird-flu free declaration ay inilabas matapos ang patuloy na pagsubaybay sa sakit at surveillance sa mga apektadong bukid ay nagbunga ng mga negatibong resulta ng pagsusuri para sa influenza type A virus sa loob ng mahigit 90 araw.

Nauna nang idineklara ng DA na bird flu-free na ang Camarines Sur, Davao del Sur, Rizal, South Cotabato, Ilocos Sur, Batangas, Capiz, Quezon, Aurora, Ilocos Norte at Pangasinan.

Ang datos ng Philippine Statistics Authority ay nagpakita na ang Cotabato ay nakagawa ng 1,044 metric tons ng duck o itik noong nakaraang taon, na 3.9 percent ng kabuuang produksyon sa bansa.

Una na rito, lumabas sa datos ng BAI na pitong rehiyon, 13 probinsya, 71 bayan at 160 barangay ang nananatiling apektado ng avian influenza o bird flu.