Nananatiling positibo si President Donald Trump na patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Estados Unidos.
Kasunod ito ng naiulat na biglang pagbaba ng kumpirmadong kaso at namamatay dahil sa coronavirus sa New York na itinuturing na epicenter outbreak.
Ayon kay Trump, isa umano itong magandang senyales laban sa krisis na hinaharap ng bansa ngunit nagbabala pa rin ito sa posibilidad nang pagdami ng mga namamatay sa coronavirus.
Aniya patuloy ang kaniyang gobyerno sa pagpapadala ng mas marami pang medical personnel at supplies tulad ng face masks at ventilators para makatulong sa mga ospital na nangangailangan nito.
“In the days ahead, America will endure the peak of this pandemic,” wika ni Trump.
Naniniwala naman si Dra. Deborah Birx, myembro ng coronavirus task force, na ang kasalukuyang sitwasyon sa Italy at Spain kung saan bumaba ang kaso ng mga nagpopositibo at namamatay dahil sa COVID-19 ay nangangahulugan lamang ng progresibong kinabukasan para sa Amerika.
“We’re hopeful over the next week that we’ll see a stabilisation of cases in these metropolitan areas where the outbreak began several weeks ago,” ani Birx.
Hindi naman sang-ayon si Dr. Anthony Fauci sa tila short-term outlook na ipinapakita nina Trump at Birx hinggil sa coronavirus pandemic.
Sa huling datos na ibinahagi ni New York Governor Andrew Cuomo, 4,159 katao na ang namamatay sa naturang estado habang 75% ng mga pasyenteng kinakailangan ma-admis sa ospital dahil sa COVID-19 ay nakalabas na.










