GENERAL SANTOS CITY – Sasamantalahin ng lokal na pamahalaan ng General Santos City ang Holy Week upang makapagsagawa ng malawakang contact tracing sa lahat ng nakasama ng isang sabongero na pinakaunang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod.
Nabatid na nasa 91 Person Under Monitoring(PUM) ang posibleng nakasalamuha ng naturang COVID-19 patient.
Gayunman, sa ngayon ay nasa stable na kondisyon na ang COVID-19 patient na ito na kasalukuyang naka-admit pa rin sa isang pribadong ospital sa lungsod.
Samantala, tiniyak ni Mayor Ronnel Rivera na hindi maaantala o matitigil ang pagbibigay ng mga barangay ng relief packs sa mga apektado ng COVID-19 situation.
Ito ay sa kabila ng pagsuspinde sa Home Quarantine Pass simula nitong Holy Thursday hanggang Easter Sunday.