-- Advertisements --

Tinitimbang ngayon ng grupo ng mga abogado kasama ang Makabayan bloc kung anong aksiyon ang maaari nilang gawin matapos na ganap ng nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw ang kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund na una ng ibinabala ng mga ekonomista at mga mambabatas na maaaring maglagay sa ekonomiya ng Pilipinas sa peligro.

Ayon kay Kristina Conti, secretary general ng National Union of Peoples Lawyers (NUPL), kabilang sa kanilang magiging susunod na hakbang ay ang paghahain ng constitutionality case sa Korte Suprema.

Nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang kampo sa iba pang mga grupo at eksperto na tutol sa Maharlika Fund.

Ayon kay Conti, ang isa sa mga isyu na kanilang tututukan ay ang approval procedure para sa nasabing batas. Tinutukoy nito ang nauna ng concern na idinulog ng ilang mambabatas gaya ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na nagsabing ang enrolled version ay hindi ang kopiya na inaprubahan ng Kongreso.

Lahat aniya ng paglabag sa protocol ay maaaring gamitin para kwestyunin ang naging procedure o proseso ng paglagda ng MIF bill.

Kukuwestyunin din ng oposisyon ang mahahalagang aspeto ng batas kung saan ilang mga eksperto na ang nag-isyu ng kanilang position papers kaugnay sa Maharlika gaya ng UP School of economics

Nauna ng inamin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagkaroon ng ilang pagbabago sa naturang panukala bago pa man ang enrollment nito dahil sa umano’y “honest oversight” ng staff ng Senado.

Subalit ipinunto naman ni Sen. Pimentel na dapat sa bicameral conference ginawa ang nasabing corrections sa panukala.

Sa kabila nito nanindigan naman si Sen. Zubiri na walang intensiyon para baguhin ang anumang probisyon ng MIF.

Una rito, nilagdaan ni PBBM ang MIF ngayong araw halos 8buwan matapos na i-certify bilang urgent.

Sinabi ng Pangulo sa kaniyang talumpati kasabay ng signing ceremony na gagamitin ang pondo para sa mga proyekto na magpapalakas sa economic transformation gaya ng imprastruktura, domestic at foreign corporate bonds at commercial real state.