Inihayag ngayon ni Senator Sonny Angara ang posibilidad na ma-realign ang panukalang P150 million confidential fund ng Department of Education (DepEd) sa budget ng Office of the Vice President para sa fiscal year 2023.
Sinabi ni Angara na chairman ng Senate Committee on Finance na ilan daw sa mga mambabatas ay mas komportableng ilagay na lamang ang confidential fund na hirit ng DepEd sa OVP.
Ang parehong ahensiya ay pinapangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Maliban sa proposed P150 million confidential fund para sa DepEd, nais din ng OVP na magkaroon ng P500 million confidential fund.
Una nang sinabi ni Duterte na ang P650 million total confidential funds para sa OVP at DepEd ay mahalaga sa pagtugon sa mga problema ng education sector.