Itinuturing na ng gobyerno na “void ab initio” o walang bisa ang consession agreement ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad na pinirmahan noon pang 1997.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) sa Cabinet meeting kagabi.
Batay sa findings ng DOJ at OSG, lumalabag ang mga probisyon ng kasunduan sa Anti-Corrupt Practices Act at mismong Saligang Batas.
Pero ayon kay Panelo, iaalok pa rin ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad ang bagong consession agreement na tiyak hindi na agrabyado ang gobyerno at mga consumers.
Inihayag ni Sec. Panelo na kung hindi tatanggapin ng Manila Water at Maynilad ang bagong kontrata ay iti-takeover ng gobyerno ang water distribution o iaalok sa bagong consessionaire.
Kung tatanggapin naman aniya ng Manila Water at Maynilad ang bagong kontrata, hindi nangangahulugang ligtas na ang mga ito sa criminal liabilities dahil sa palpak na consession agreement.
Samantala, hindi pa masabi ni Sec. Panelo kung bakit sa dalawang concessionaires pa rin iaalok ang bagong kontrata at hindi bubuksan sa ibang interesadong kompanya.