-- Advertisements --

Nakatakdang maglabas ngayong linggo ng legal opinion ang Commission on Elections (Comelec) kung sino ang dapat na mamuno sa dalawang probinsiya ng Maguindanao matapos ang pagsasagawa ng plebisito na nagresulta sa paghahati nito.

Tiniyak ni Comelec chairperson George Garcia na ang gobernado sa kasalukuyan ang siya pa ring manunungkulan sa isang probinsiya.

Base sa official plebiscite municipal canvass ng mga boto na ibinigay ng Comelec sa plebisito sa Maguindanao, nasa 706,558 o 99.27% ang bumoto ng pabor sa paghahati ng probinsiya alinsunod sa Republic Act No. 1150.

Samantala nasa 5,209 o 0.73% naman ang bumoto ng hindi pabor.

Paliwanag pa ni Garcia na ngayon na nahati sa dalawa ang Maguindanao, magkakaroon ng sariling legal personalities ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur kung saan imamandato kalaunan ang appointment ng government officials.

Kailangan aniya na pag-usapan din kung magkano ang ibibigay na Internal Revenue Allotment ng bagong probinsiya at kung sino ang mangangasiwa sa mga pagkakautang ng dating probinsiya kung mayroon man kaya’t lahat ng ito ay maayos aniya sa loob ng dalawang buwan matapos ang plebisito.

Ayon pa kay Garcia na mabibigyna ng pagkakataon ang mga residente ng dalawang probinsiya para makaboto sa bagong mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa 2025 midterm elections.

Una rito sinabi ni acting poll spokesperon John Rex Laudianco na nakapagtala ng second highest voter turnout na nasa 700,000 botante o 80.84% ang plebisito sa Maguindanao para sa province-wide plebiscites.