Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang promosyon ng limang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mahigit dalawang linggo matapos maantala dahil sa kakulangan ng mga senador na miyembro ng komisyon.
Sa isinagawang pagdinig, inaprubahan ng CA ang mga appointment nina Lieutenant General Edmundo G. Peralta, Vice Admiral Allan M. Javier, Major General Isagani O. Criste, Brigadier General Niceforo M. Diaz Jr., at Brigadier General Rosemawatte A. Remo.
Matatandaang naantala ang kumpirmasyon ng mga opisyal noong Hunyo 1 matapos hindi mabuo ang kinakailangang bilang ng mga senador na magsisilbing kinatawan sa Commission on Appointments.
Nauna rito, sa isinagawang special session ng Senado sa ilalim ng bagong pamumuno ni Senate President Sherwin Gatchalian, nahalal ang mga senador na magiging kinatawan ng kapulungan sa CA, dahilan upang maipagpatuloy ang mga nakabinbing kumpirmasyon.
Kabilang sa mga bagong miyembro ng Commission on Appointments mula sa Senado sina Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, at mga senador na sina Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Raffy Tulfo, at JV Ejercito mula sa majority bloc.
Kasama rin sa komisyon ang mga senador mula sa minority bloc na sina Loren Legarda, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Bong Go, Jinggoy Estrada, at Mark Villar.
Bukod sa promosyon ng limang heneral ng AFP, inaprubahan din ng CA ang tatlong nominasyon at 83 ad interim appointments ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang sa Philippine Foreign Service.
















