-- Advertisements --

Ipinahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na tuloy na tuloy na ang Bangsamaro Parliamentary Elections sa Oktubre at kasalukuyan pa rin ang kanilang mga paghahanda para rito.

Sinagot ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang mga usap-usapang maaaring ipagpaliban ang halalan sa BARMM. Aniya, nakahanda ang poll body para eleksyon na ito.

Nauna nang nanawagan si Garcia kay Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na desisyunan na ang re-allocation ng pitong seats na orihinal na inilaan sa Sulu. Ito ay matapos tanggihan ng Sulu ang Bangsamoro Organic Law sa plebisito noong 2019. Hanggang ikalawang linggo ng Hunyo ang inilaan ng poll body para sa desisyon at aniya kung wala pa rin silang nakuha, ipagpapatuloy na nila ang paghahanda para sa 73 seats.

Tiniyak rin niya sa publiko na susundin nila ang Bangsamoro Election Code sa kanilang pagpupulong kasama si Bangsamoro Education Minister Mohagher Iqbal.

Tinalakay rin nila ni Iqbal ang panukalang plebisito para sa paghahati ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte sa tatlong lungsod, at aniya maaaring maisama ito sa balota ng halalan.

Ang pahayag ni Garcia ay kasunod rin ng naging paninindigan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na suportado niya ang panawagang ituloy ang halalan sa Oktubre 13. Ayon sa schedule para sa BARMM Parliamentary Elections, ang election period ay magsisimula Agosto 14 hanggang Oktubre 18, habang ang campaign period naman ay mula Agosto 28 hanggang Oktubre 11.