-- Advertisements --

Ipinagpapaliwanag ng Supreme Court En Banc ang Commission on Elections sa petisyong inihain ng National Task Force-To End Local Communist Armed Conflicts o NTF-ELCAC hinggil sa inilabas nitong Resolution No. 11116 noong Pebrero.

Kung saan hinihingan ng kataastaasang hukuman ang naturang komisyon ng kanilang komento upang ibahagi ang kasagutan nito sa naging pagkuwestyon ng NTF-ELCAC.

Nakasaad sa notisiyang inisyu ng Korte Suprema, na mayroon lamang sampung araw ang Commission on Elections para ipaliwanag ang kanilang panig bilang respondent sa petisyong isinumite laban sa kanila.

Maalala na inihain ng National Task Force-To End Local Communist Armed Conflicts o NTF-ELCAC ang ‘Petition for Certiorari and Prohibition’ na may kasamang aplikasyon sa issuance ng Temporary Restraining Order kontra resolusyon ng Comelec.

Nakapaloob sa petisyong ito na mapawalang bisa ang Commission on Elections Resolution No. 11116 kaugnay sa guidelines nito hinggil sa usapin ng diskriminasyon lalo na nitong nagdaang halalan.

Kung saa’y itinuturing na ‘election offense’ ito sa isinakatapurang implementasyon ng naturang probisyon sa inisyung resolusyon.

Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na resolusyon ang kataastaasang hukuman kung kanilang pinaburan ang pag-iisyu ng Temporary Restraining Order sa inihaing petisyon ng National Task Force-To End Local Communist Armed Conflicts (NTF-ELCAC).