-- Advertisements --

Hindi sang-ayon ang Commission on Elections (Comelec) sa panukalang maglagay ng mga vaccination site sa mga polling precinct sa Mayo 9.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kinakailangan munang masusing pag-aralan ng komisyon ang rekomendasyon na ito ng Department of Health (DOH) ay posibleng maging sanhi lamang ng kalituhan ng mga botante na hindi required ang vaccination para bumoto.

Aniya, kung ninanais naman ng DOH na ipagpatuloy ang planong ito ay dapat muna itong makakuha ng approval sa Comelec lalo na kung gugustuhin nito na magtayo ng mga vaccination sites sa loob mismo ng mga voting center.

Magugunita na una nang iginiit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa pinal ang nasabing mungkahi at pinag-uusapan pa nila ito.

Nilinaw niya na kung sakali na maipatupad ito ay nasasaklaw pa rin nito ng awtoridad ng mga local government unit kung kaya’t nakadepende pa rin sa kanila ang pagpapasya ukol dito.

Samantala, muli rin na binigyang-diin at ipinaalala ng Comelec ang karapatang bumoto ng bawat isa bakunado man o hindi ng COVID-19.