
Inabswelto ng National Privacy Commission (NPC) ang Commission on Elections at Smartmatic Group of Companies sa alegasyon ng paglabag sa Data Privacy Act (DPA) noong 2022 national at local elections dahil sa kawalan ng merito.
Ito ang kinumpirma ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco.
Ang 31-pahinang desisyon ay iprinoklama noong Setyembre 22, 2022 ngunit sinabi ni Laudiangco na naabisuhan lamang sila sa desisyon noong araw ng Martes, Enero 17.
Ito ay nilagdaan ni Deputy Privacy Commissioner Leandro Angelo Aguirrer at sinang-ayunan ni Privacy Commissioner John Henry Naga.
Habang ibinasura ang kaso laban sa Comelec at Smartmatic, napatunayang ng NPC na lumabag naman sa Section 29 ng Data Privacy Act ang dating empleyado ng Smartmatic na si Ricardo Argana, isang nagngangalang Winston Steward, at iba pang hindi kilalang indibidwal.
Iniutos ng NPC na ipasa ang desisyon sa kalihim ng Department of Justice (DOJ) at inirekomenda ang pag-uusig kay Argana, Steward at mga nasabing hindi kilalang indibidwal.
Ayon sa nakalalap na facts sa kaso, sinabi ni Argana sa pamamagitan ng kanyang sinumpaang testimonya na nakatanggap siya ng pribadong mensahe mula sa isang Steward sa pamamagitan ng Facebook messenger na nangangakong babayaran siya ng P50,000 hanggang P300,000 kapalit ng pagbibigay ng access sa kanyang computer habang nakakonekta sa mga server ng Smartmatic.
Sinabi ni Argana na nang pumunta siya sa opisina ng Comelec para magtrabaho, nilagyan niya ng access ang kanyang computer gamit ang isang application sa pamamagitan ng internet habang nakakonekta sa mga Smartmatic server noong huling linggo ng Disyembre 2021.
Bagama’t natapos aniya ang napagkasunduan, sinabi ni Argana na hindi siya binayaran ni Steward.
Una rito, inihain ng NPC Complaints and Investigation Division (CID) ang naturang kaso dahil sa alegasyon na personal data breaches mula sa mga server ng Comelec at Smartmatic kabilang ang survey forms at overseas voters list.










