-- Advertisements --

Magsasanib pwersa ang mga Coast Guard ng Pilipinas, Amerika at Japan para sa ikakasang limang araw na trilateral maritime exercise sa Kagoshima, Japan simula sa Hunyo 16 na magtatagal hanggang sa Hunyo 20.

Ayon sa PCG, idedeploy sa pagsasanay ang 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua. Bago ito, nakatakdang isagawa ang send-off ceremony para sa BRP Teresa Magbanua at mga crew nito sa araw ng Biyernes, Hunyo 6.

Inaasahan na makakarating ang barko ng PH sa Japan sa Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng ating bansa.

Ito naman na ang ikalawang pagkakataon na magsasagawa ang tatlong bansa ng naturang capacity-building activity kasunod ng unang trilateral exercise na ginanap sa may Mariveles, Bataan noong Hunyo 2023.

Sa kabuuan ng pagsasanay, maglilibot ang mga coast guard personnel sa mga pasilidad, magsasagawa ng mutual visits sa mga patrol vessels, maritime exercise meetings at capacity-buiding exercises.

Ayon sa PCG, nakaangkla ang naturang pagsasanay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa PCG para makibahagi sa mga inisyatibo para sa pagpapahusay pa ng kapasidad ng hukbo na nagtataguyod ng kooperasyon, pagkakaunawaan at mutual trust sa kanilang mga counterparts.

Layunin ng ikalawang trilateral maritime exercise na mas mapalakas pa ang kolaborasyon at mas mapalalim pa ang diplomatikong relasyon sa Coast Guard counterparts gayundin para ma-explore pa ang mas marami pang avenues para sa maritime cooperation tungo sa pagkakaroon ng rules-based order.