Sa kabila ng pagkakapasa ng Solid Waste Management Law, patuloy pa rin ang pagdami ng taunang naiimbak na mga basura sa nakalipas na taon dahil sa pabago-bagong polisiya at kawalan ng waste facilities at landfills sa bansa ayon sa Commission on audit.
Sa inilabas na performance audit ng Solid Waste Management Program ng bansa noong Mayo 3, inihayag ng COA na patuloy pa ring problema ang pangangasiwa sa mga solid waste sa ating bansa kung saan pumalo sa 16.63 million metric tons ang nakolektang basura noong 2020 at maaari pa itong umabot sa 19.76 million metric tons pagsapit ng taong 2030 at 24.50 million metric tons sa taong 2045.
Iginiit ng COA na makalipas ang dalawang dekada ng implementasyon, tila hindi naaabot ang mga adhikain at layunin ng programa gaya ng inaasahan bunsodng patuloy na pagtaas ng volume ng generated solid waste kabilang na ang maraming puwang na nadiskubre sa pagpapatupad ng naturang programa.
Ilan sa mga natukoy na pangunahing hamon na humantong sa ganitong scenario ay ang pabago-bgong implementasyon ng waste segregation at waste diversion kung saan nakita sa mga landfills ang presensiya ng magkakahalong basura.
Ibinunyag pa ng COA na walang sapat na waste facilities at landfills para magamit ng mga local government units at barangay sa buong bansa kung saan nasa 39.05% lamang ang available na Materials Recovery Facilities (MRF) mula sa 42,046 kabuuang mga barangay sa buong bansa at nasa 29.25% lamang ang operations Sanitary Landfills.
Nadiskubre din ng COA na ilang pinondohang Material Recovery Facilities ng Environmental Management Bureau ay hindi pa nasisimulang ipatayo o operational dahil sa kawalan ng karampatang lugar na pagtatayuan o pagkaantala sa paggamit ng LGUs.
Ibinabala naman ng COA na ang pagdami ng solid waste ay magdudulot ng panganib sa posibleng environmental hazards kapag hindi ito napangasiwaan sa lalo madaling panahon.