-- Advertisements --
image 64

Kasabay ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat dam sa kabila pa ng opisyal na deklarasyon ng pagpasok ng rainy season sa bansa, target ngayon ng pamahalaan ang rain-seeding operations bilang isa sa posibleng mitigation measures para mapataas ang antas ng tubig sa Angat dam.

Ayon kay National Water Resources Board executive director Sevillo David Jr na isa lamang ito sa mga ikinokonsidera para masolusyunan ang naturang problema pagdating sa suplay ng tubig na nagmumula sa Angat dam.

Base sa records mula sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, lumalabas na ang antas ng tubig sa Angat dam nitong nagdaang araw ay nasa 188.65 meters o 8.65 meters na above minimum operating level subalit 23.35 meters na mababa sa normal high water level.

Sakali aniyang kakailanganin, nakatakdang talakayin ang rain-seeding operations schedules ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kasama ang Department of Science and Technology at Bureau of Soils and Water Management.

Una na ring sinabi ni David na inaprubahan ng NWRB ang alokasyon ng tubig sa MWSS mula June 1 hanggang 15 ng nasa 52 cubic meters per second.