CENTRAL MINDANAO-Irerekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan ang pagpapalawig pa ng State of Calamity sa lungsod dahil na rin sa banta ng Omicron Variant ng COVID-19 sa mga mamamayan.
Mas mabilis umanong makahawa ang Omicron variant ng COVID-19 na siyang nananalasa sa maraming mga bansa at nakapasok na rin sa Pilipinas sa kasalukuyan.
Ang rekomendasyon ay una ng pinag-aralan ng Local Inter Agency Task Force against Covid19 o LIATF sa kanilang pagpupulong at napagkasunduan ng mga kasapi ng CDRRMC na irekomenda ang pagpapalawig o extension ng State of Calamity sa pamamagitan ng Resolution number 01-2022 matapos tanggapin ang una ng napagkasunduan ng LIATF.
Sa pamamagitan ng pagpapalawig ng State of Calamity na maaprubahan ng SP, mabibigyang kapangyarihan si City Mayor Joseph Evangelista na gamitin ang 30% ng Quick Response Fund para sa First Quarter ng 2022 Local Disaster Risk Reduction Management Fund o LDRRMF sa ilalim ng Disease Outbreak program.
Nagkakahalaga ng P5,225,379.30 ang QRF na gagamitin sa pagtugon sa inaasahang pagpasok ng Omicron Variant ng Covid19 sa lungsod.
Gagamitin ang pondo sa malawakang pagbabakuna ng mga priority eligible population lalo na yung mga bata edad 5-11 years old na inaasahang mababakunahan na sa unang linggo ng buwan ng Pebrero, 2022.
Mahigit sa 17,200 na mga bata edad 5-11 years old ang target mabakunahan sa lungsod para na rin sa kanilang proteksyon laban sa komplikasyong idudulot ng Covid19.










