
Pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Gen. Debold Sinas sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at sa mga regional police officers ang mga kaso ng umano’y profilling ng ilan nilang kabaro sa mga organizer ng Community Pantry sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ronaldo Olay, Sa Laging Handa Public Briefing, tinitingnan na rin ng PNP Anti-Cybercrime Group ang mga nagpapakalat naman ng mga malisyosong impormasyon sa Social Media hinggil sa tinaguriang community pantry.
Ayon kay Olay, suportado ng PNP ang bayanihan initiative at hindi palikialaman ang boluntaryong inisyatibo ng pribadong tao o grupo na mamahagi ng tulong sa nangangailangan.
Binalaan naman ng PNP ang ilang mga grupo na sinasamantala ang isyu para lumikha ng “mass hysteria” sa pamamagitan ng pagkakalat ng kasinungalingan sa cyberspace.
Panawagan naman ng PNP sa mga militanteng grupo na huwag gamitin ang mga community pantries para sa anti-government propaganda.
Samantala, habang mainit na pinag-uusapan ang mga community pantry hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang bahagi ng Bansa dahil sa usapin ng profiling at red tagging, namigay naman ng sariling ayuda si PNP Chief Gen Debold Sinas sa mga Muslim Communities sa NCR.
Ito ay ang tinatawag nilang Sadaqah sa panahon na ipinagdiriwang ng mga kababayan nating mga Muslim ang Ramadan.
Ang gift giving activity pinangunahan ni Gen Sinas kasama si NCRPO Chief MGen. Vicente Danao sa Brgy. Culiat, Tandang Sora, Quezon City.
Ngunit ito ay sabayan ding ginawa sa iba pang mga Muslim Area sa Metro Manila.
















