-- Advertisements --
CHR human rights office

Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na repasuhin din ang mga kaso ng ibang persons deprived of liberty (PDLs) na naghihintay ng resolusyon.

Kasunod ito ng pagpapalaya kay dating senador Leila de Lima mula sa pagkakakulong pagkatapos ng halos pitong taon.

Ikinatuwa ng CHR ang paglaya ni De Lima mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame na binibigyang-diin ang karapatan ng bawat Pilipino sa patas at mabilis na disposisyon ng mga kaso.

Gayundin sa pantay na proteksyon ng mga batas, gaya ng ginagarantiya noong 1987 Philippine Constitution.

Dahil dito ayon sa CHR, hinihimok nito ang gobyerno ng Pilipinas para sa napapanahong pagsusuri ng mga kaso ng iba pang mga bilanggo na naghihintay ng pagresolba ng kanilang mga kaso, anuman ang kanilang katayuan, kasarian, at kaugnayan sa pulitika.

Ayon pa sa komisyon, sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap, hindi lamang itinataguyod ng gobyerno ang mga garantiya ng karapatang pantao ng Saligang Batas, ito rin ay nag-aambag sa decongestion ng mga kulungan at iba pang mga pasilidad ng detensyon sa bansa.

Una nang nangako ang CHR na itataguyod nito ang mga karapatan ng lahat ng PDL sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno ng bansa.