-- Advertisements --

Kinalampag ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police (PNP) dahil sa hindi umano pakikipagtulungan ng ahensya sa imbestigasyon ng sinasabing paglabag sa karapatang pantao ng anti-drug war ng pamahalaan.

Sa isang panayam inamin ni CHR commissioner Karen Dumpit na nahihirapan ang kanilang regional offices na mangalap ng impormasyon dahil hindi raw tumutugon ng maayos ang hanay ng pulisya.

Dagdag pa ng opisyal, sa ilalim lang ng kasalukuyang administrasyon nakaranas ng hindi pakikipagtulungan sa CHR ang mga pulis para sa imbestigasyon ng mga kaso ng human rights violation.

Hihintayin daw ngayon ng ahensya kung tatapikin sila nang sinasabing bubuohin na inter-agency panel, na sisilip sa mga nagdaang anti-illegal drug operation ng pulisya kung saan marami ang namatay.

Inanunsyo kamakailan ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa harap ng UN Human Rights Council ang pagbuo ng nasabing panel.

Batay sa datos na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency noong 2018, nasa halos 5,000 indibidwal ang namatay mula sa higit 110,000 anti-drug operations ng pamahalaan.

Nasa higit 160,000 naman ang bilang ng drug personalities na naaresto.

Ang pamunuan ng PNP ay wala pang tugon hinggil sa pahayag na ito ng CHR commissioner.