Ipinaalala ng Department of Health (DOH) na may panuntunang sinusunod sa pagpili ng mga contact tracers ng COVID-19 cases.
Reaksyon ito ng ahensya sa pahayag ng regional director ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas, na nagsabing pwedeng gamitin ang mga chismoso sa contact tracing efforts ng rehiyon.
“Tandaan natin, mayroon tayong pamantayan sa pagkakaroon ng contact tracers and yung mga policies na dapat nating ibibigay, or idi-disclose at kukuhaning impormasyon sa ating mga kababayan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa ilalim ng Department Memorandum 2020-0189, nakasaad ang guidelines ukol sa tamang pagkuha ng impormasyon sa contact tracing.
“Mayroon din karapatan ang DOH na maglabas ng impormasyon, of course pero anonymized yan.”
Una nang inanunsyo ng Health department ang qualification ng isang contact tracer, na dapat ay isang health professional.
Sa ngayon na 73,985 contact tracers na raw sa buong bansa. May 8,786 pang mga nurse sa ilalim ng Nurses Deployment Program na tumutulong sa hakbang.
Ang Department of Interior and Local Government na rin ang siyang pinaka-abala sa ginagawang contact tracing efforts.
Hinihintay na lang daw ng dalawang ahensya na maisabatas ang Bayanihan 2 bill para madagdagan pa ang pondo sa hiring at pagpapa-sweldo ng contact tracers.
Nilinaw ni Vergeire, na naka-ayon naman ang mga ahensya ng gobyerno sa ginagawang responde laban sa COVID-19.
“Itong sinabi ng PNP Region 7 director, ito siguro yung para mapaigting pa nila yung contact tracing efforts at magkaroon pa sila ng maraming tao.”
“We are all aligned and guided by the different policies.”
Sa isang pahayag sinabi ni PNP-7 regional director B/Gen. Albert Ignatius Ferro na na posibleng makatulong ang mga chismoso bilang contact tracers ng COVID-19 cases.










