-- Advertisements --

Masusing binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at isang unmanned surface vessel (USV) na umano’y namataang naglalayag sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea, Ret. Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nakikipag-ugnayan na ang militar sa iba pang maritime agencies upang maberipika at matunton ang presensiya ng mga naturang mga barko.

Binigyang-diin ni Trinidad na sa ngayon ay wala namang banta sa kaligtasan ng publiko o sa pambansang seguridad.

Sa kabila nito, tiniyak niya na ipagpapatuloy ng Sandatahang Lakas ang pagbabantay at gagawin ang mandato nitong protektahan ang maritime interests ng Pilipinas.

Ipinahayag ito ng AFP kasunod ng nakuhang footage ng California-based firm na Seasats noong Hunyo 16 gamit ang Lightfish USV nito. Ipinapakita sa video ang isang Chinese Type 052D guided-missile destroyer.

Batay sa ulat (Reuters), nagkaroon ang USV ng serye ng “encounters” sa mga Chinese naval vessel, kabilang ang mga Type 052 at 055 destroyer, at Type 056 corvette.

Napatunayan naman ang authenticity ng footage, pagkakakilanlan ng barko, at lokasyon gamit ang data at original file metadata ng Seasats.