-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaghahanap NA ng pulisya ang dalawang Chinese national na responsable sa umano’y pagdukot sa isang Intsik sa Kimwa Compound, Purok 12, Baloy, Barangay Tablon nitong lungsod.

Ito’y matapos personal na humingi ng tulong sa mga otoridad ang biktima na si Wang Zhizhong, 45-anyos na residente sa nasabing lugar.

Ayon kay Wang, dinukot siya ng tatlong lalaki habang nasa loob ng kaniyang bahay.

Aniya, dalawa sa mga dumukot sa kaniya ay nagngangalang Li Jingui at Jiang Wenwu.

Tinutukan daw siya ng baril ng isa pang suspek kung saan tinali ang kaniyang kamay, nilagyan ng duct tape ang kaniyang bibig, at sinaksak ang kaliwang leeg.

Sinabi ni City Police Director Col Henry Dampal na pinagbantaan ng mga suspek ang biktima na papatayin kung magmatigas ito na maglipat ng pera sa account ni Li.

Dahil dito, napilitan ang biktima na magbigay ng pera sa mga suspek sa halagang P210,000.

Pinalaya naman ng mga Chinese suspects ang kanilang kababayan ngunit kinalaunan ay hinihingan muli ng pera na nagkakahalaga na ng mahigit P3 million.