-- Advertisements --

Isang Chinese national na may umano’y koneksyon sa Chinese Communist Party (CCP) ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mahuling gumagamit ng pekeng Philippine passport.

Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Ronxuan Cai, na dumating mula Malaysia noong Marso 30. Ayon sa BI, ginagamit umano nito ang pangalang “Peter Buenaobra Zhuang” sa kanyang mga biyahe gamit ang isang Philippine passport.

Nagmula ang pagkakaaresto matapos makatanggap ng intelligence information ang BI mula sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na nag-uugnay kay Cai sa United Front Work Department ng CCP.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, isang “high-profile case” ang insidente dahil sa umano’y lawak ng impluwensya at koneksyon ng suspek.

Sinabi ng BI na kanilang kinumpara ang biometric records ni Cai at ng pangalang ginagamit nitong Pilipino, at nakumpirmang iisang tao lamang ang mga ito.

Dagdag pa ng ahensya, gumagamit din umano si Cai ng iba pang dokumento ng pagiging Pilipino tulad ng driver’s license, birth certificate, at marriage certificate.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration ang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.