-- Advertisements --

Inihayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na naghahanda ang China para sa ikaapat na round ng bilateral political dialogue kasama ang Pilipinas, sa gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y pagtatayo ng istruktura ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ang pahayag ay kasunod ng ulat ng maritime monitoring group na SeaLight, na nagsabing may nakita itong mga palatandaan ng posibleng konstruksyon sa naturang lugar. Gayunman, wala pang opisyal na pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila hinggil dito.

Ayon kay Jing, may mga “positive developments” na ang Pilipinas at China at nais ng magkabilang panig na ipagpatuloy ang pagresolba sa mga isyu sa pamamagitan ng umiiral na dialogue mechanism.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng ulat ng SeaLight.

Patuloy rin umanong bineberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang mga impormasyong nakapaloob sa ulat tungkol sa umano’y aktibidad ng konstruksyon sa Bajo de Masinloc.

Matatandaang idinaos ang pinakahuling bilateral political dialogue sa pagitan ng Pilipinas at China sa Cebu noong Enero, bago ang mga pag-uusap hinggil sa Code of Conduct sa WPS na isinagawa sa pagitan ng China at ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa kabila nito, binatikos ni Jing ang mga tinawag niyang “anti-China forces” na umano’y humahadlang sa pagbuti ng relasyon ng dalawang bansa.

Ayon sa ambassador, may ilang grupo na umano’y nagsisikap na pabagalin at sirain ang mabuti umanong ugnayan sa pagitan ng China at Pilipinas.