
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi makontak sa loob ng ilang oras ang China nang subukan ng Pilipinas na gamitin ang hotline sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng pambobomba ng tubig o water cannon ng China Coast Guard sa isang barko ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.
Kayat pinatawag ni pinatawag ni Foreign Affairs Undersecretary Theresa Lazaro si Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian .
Sinabi naman ni Foreign Affairs spokesperson Tess Daza sa kasagsagan ng summon kay Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian, nagpahayag ng pagkadismaya ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng DFA matapos na hindi makontak ang counterpart nito sa maritime communication mechanism ng ilang oras habang nangyayari ang water cannon incident.
Ang naturang government to government hotline na tinawag na joint communication mechanism ng China at PH ay layuning mapangasiwaan ang maritime emergencies at unplanned encounters sa pinagtatalunang karagatan.
Binuksan ang naturang hotline sa state visit ni PBBM sa China noong Enero kung saan nakipagkita ito kay Chinese President Xi Jinping.
Ayon pa kay Daza, sinabihan ni Foreign Affairs Undersecretary Lazaro si Ambassador Huang na inaasahan ng Pilipinas na tutugunan ng panig ng China ang naturang insidente nang may sense of urgency.
Pinaalalahanan din si Huang ng mga obligasyon ng China sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at sa commitments nito sa ilalim ng code of conduct sa disputed water.
Binigyang diin din ng DFA official ang posisyon ng Pilipinas na pinal, may bisa at kailangang igalang at sundin ng China ang 2016 arbitral award na nagpapawalang bisa sa malawakang maritime claims nito.










