-- Advertisements --
rotc 1

Tiniyak ng Commission on Higher Education (CHED) na mgiging iba ang konsepto sakaling buhayin muli ang mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) sa bansa.

Ayon kay CHED Chairman Popoy De Vera, bagamat may ilang mga pangamba at isyu na kailangang matugunan kasabay ng pagsusulong ng pamahalaan para sa pagbuhay muli ng Reserved Officers’ Training Corps, magiging kakaiba aniya ang pagpapatupad ng programa kumpara sa dati.

Sa loob ng halos 20 taon kasi ay optional lamang ang ROTC sa ating bansa kayat dapat na batid na aniya ang mga pagkakamali na hindi na dapat pa maulit at dapat na ireporma.

Ang konsepto aniya ng ROTC ay napalawig pa sa panukalang Citizen Service Program (CSP) kung saan base sa mga tinalakay ng mga mambabatas kamakailan , lahat ng mga college students ay kailangang sumailalim sa Citizen Service Program sa loob ng dalawang taon.

Ang mga nakakumpleto ng mandatory 2 year Citizen Service Program, ipinaliwanag nito na maaaring mag-proceed sa Advanced ROTc sa loob ng karagdagang dalawang taon.

Kapag ito ay makumpleto, maaaring ma-recruit na para maging kasapi ng Armed forces of the Philippines (AFP).

Hindi tulad aniya sa nakalipas na implementasyon, tiniyak ni De Vera na hindi na lamang martsa-martsa o formation ang ituturo kundi ang konsepto base sa bersiyon ng Kamara ay humubog ng isang kabataang Pilipino na matuto sa civic duty, individual safety and community safety, disaster preparedness and management, at citizen soldier training.

Isang konsepto para mahasa ang isang kabataang pilipino na handang magsilbi sa bayan sa panahon ng kaayusan at sa giyera.