-- Advertisements --

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Boston Celtics para umusad sa NBA Finals matapos na muling talunin ang Miami Heat sa Game 5 ng Eastern Conference finals sa score na 93-80.

Sinasabing hindi pa nakakarating ng NBA Finals ang Celtics mula noong taong 2010.

Sa laro kanina, nagsama ng puwersa sa opensa sina Jaylen Brown na may 25 points at si Jayson Tatum na nagdagdag ng 22, liban pa sa 12 rebounds at nine assists para umabanse sila sa 3-2 lead sa serye.

Sa panig ng Miami nanguna naman si Bam Adebayo sa kanyang 18 points at at 10 rebounds at sina Gabe Vincent na nagdagdag ng 15 at si Jimmy Butler ay nagpakita ng 13 puntos.

Sa first half ay agad na lumamang ang Miami pero pagsapit sa third quarter ay dito na kumawala ang Celtics hanggang sa 4th quarter.

Sinamantala rin ng Boston ang sitwasyon na inalat sa 3-point area ang Miami.

Batay sa record, ang Heat ay meron lamang pitong naipasok mula sa 45 pagtatangka sa 3-point range.

Ang Game 6 ay gagawin sa Boston sa Sabado na posibleng tapusin na ng Celtics ang best-of-seven series.