-- Advertisements --

Nanawagan si House Speaker Alan Peter Cayetano sa Department of Budget and Management (DBM) na planuhin ng maigi at maging transparent sa paghahanap ng karagdagang pondo para gamitin sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.

Inirekominda ni Cayetano na magkaroon nang pag-uusap sa pagitan nilang mga lider ng Kamara at DBM patungkol sa kung anong mga proyekto, prorama at aktibidad ang maapektuhan ng ginagawang cost-cutting ng ahensya.

Nauna nang binatikos ni Cayetano ang direktiba ng DBM na nagsasabing hindi na ilalabas ang 35 percent ng alokasyon para sa mga proyekto, programa at aktibidad ng mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan na hindi naman konektado sa COVID-19 response, tulad na lamang ng infrastructure projects.

Iginiit ni Cauetano na makailang ulit nang sinabi ng economic team na hindi dapat galawin ang alokasyon para sa infrastructure program, maliban na lamang kung ang proyekto ay “useless or cannot be implemented,” dahil nagsisindi ito ng ekonomiya lalo na sa mga malalayong lugar sa bansa.

Naiintindihan naman aniya niya na nais lamang ng mga opisyal ng DBM na mag-ingat sa paggamit ng mga pondong ito dahil sa graft and corruption cases na isinampa laban sa dating mga opisyales.

Pero ang higit na kailangan sa ngayon, ayon kay Cayetano, ay magkaroon ng “complete transparency” upang maintindihan din ng publiko kung saan nanggaling at kung paano gagamitin ang na-reallocate na pondo.

Binigyan diin nito na hindi maaring ipagpaliban ngayong taon ang ilan sa mga infrastructure projects dahil kaakibat nito ay kawalan nang trabaho para sa maraming Pilipino.

“For instance, an ongoing multi-year bridge construction, you should not touch the funds for it. Implementation has to continue. Remember, there is life after Covid-19 or after ECQ. It means that there should be development in every part of the country,” ani Cayetano.

Sa halip na kunin sa infrastructure projects, maaring paghugutan aniya ng pondo para sa COVID-19 response sa ilalim ng 2020 national budget ay ang mga travel funds at office supplies.