-- Advertisements --

Hindi pa man naluluklok bilang House Speaker ay naglatag na ng kanyang mga plano si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano sa mga kapartidong mambabatas sa Kamara.

Nitong Huwebes nang pulungin ni Cayetano ang mga kongresista ng PDP-Laban kung saan inihayag nito ang planong pagsuporta sa mga panukala na matagal ng isinusulong ng pamahalaan.

Kabilang na ang mabilis na pag-apruba ng national budget at Charter Change to federalism na naging kritikal noong nakaraang Kongreso.

Dumepensa si Cayetano matapos akusahang nagsusulong ng extension sa termino ng mga kongresista.

Ayon sa kongresista, mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan ang nais niyang suportahan sa panukala dahil hindi umano sapat ang tatlong taong termino ng mga ito para masunod ang kanilang mandato.

Binantaan at hinamon pa ni Cayetano ang mga senador na tapyasin sa tatlong taon ang kanilang anim na taong termino nang makita ang limitadong trabaho ng local government officials.

Kaugnay nito, umaasa ang kandidato sa pagka-speaker na bibigyan ng mga senador ng pagkakataon ang Charter Change na makalusot ngayong 18th Congress.