-- Advertisements --

Kinumpirma ni Cavite 6th District Rep. Luis “Jon-Jon” Ferrer IV na siya ay nag-positibo na rin sa COVID-19.

Sa kanyang public statement na naka-post sa Facebook, sinabi ng kongresista na nitong Sabado ng gabi niya natanggap ang ulat mula sa doktor na siya ay positibo sa swab test.

“Bilang isang lingkod bayan, katungkulan po natin na magbigay serbisyo sa ating mga kababayan sa lahat ng oras, kahit sa gitna ng pandemya. Ngunit ang inyong lingkod tulad ng nakararami ay hindi ligtas sa panganib ng COVID-19.”

Inamin ng mambabatas na siya ay naka-confine ngayon sa isang medical facility. Ipinagutos na rin daw niya ang pansamantalang pagsasra ng District Office.

Nanawagan naman si Ferrer sa kanyang mga naging close contacts na makipag-ugnayan sa City Health Office ng General Trias City.

“Nagsasagawa po ngayon ng Contact Tracing ang City Health Office (CHO). Kaugnay nito, nanawagan ako sa lahat ng aking nakasalamuha sa nakalipas na labing-apat na araw na makipag-ugnayan sa CHO, at mag self-isolate kung kinakailangan.”

Ikapito ang kongresista ng Cavite sa listahan ng mga mambabatas sa Kamara na nagpositibo rin sa COVID-19.

Ilan sa mga una nang nag-positibong kongresista ay sina: Deputy Speakers Mujiv Hataman at Johnny Pimentel, Bulacan Rep. Henry Villarica, Sulu Rep. Samier Tan, at Senior Citizens party-list Rep. Francisco Datol Jr.