Nakatakdang magpulong ang mga Katolikong bishop sa Ozamiz City sa susunod na linggo para sa kanilang ika-32 plenary assembly.
Ayon kay Msgr. Bernardo Pantin, Secretary General of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), magpopokus ang magiging talakayan ng mga Catholic leader sa ilang itinuturing na pastoral priorities and mga pangunahing isyu na kinakaharap ng Simbahan at ng buong bansa.
Kinabibilangan ito ng mental health, pag-aruga sa mga likha ng Diyos, at global energy crisis, kasama ang ilang issue na nakaka-apekto sa mga komunidad.
Magbubukas ang assembly sa pamamagitan ng mensahe mula kay apostolic nuncio Archbishop Charles Brown at kay CBCP president Archbishop Gilbert Garcera.
Hinikayat naman ni Msgr. Pantin ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga obispo ng Simbahang Katolika para magiging kapaki-pakinabang ang kanilang diskusyon at makapagsilbi sa Simbahan at sa mga Pilipino nang tapat at puno ng pagmamahal.
Aniya, isa itong pagkakataon upang mag-usap usap at magkarinigan ang mga bishop at suriin ang mga paraan at solusyong tutugon sa mga problema at pangangailangan ng mga komunidad.
Ilan sa mga inaasahang magbibigay ng mensahe ay sina British Cardinal Timothy Radcliffe na isang Dominican theologian, Cardinal Luis Antonio Tagle, pro-prefect of the Dicastery for Evangelization ng Catholic Church, at Cardinal Pablo Virgilio David, ang bishop ng Kalookan.















