-- Advertisements --

Nanindigan si dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema sa paratang ng nagabot siya ng P2-milyong suhol kapalit ng boto ni Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon sa accreditation ng Duterte Youth party-list.

Sa isang panayam inamin ni Cardema na naipit siya sa sitwasyon para lang kilalanin ng Comelec ang noo’y nag-aapply na partido.

Hindi niya raw direktang inabot kay Guanzon ang bayad dahil idinaan ito sa sinasabing emisaryo ng commissioner na isang babaeng kongresista.

Wala rin umanong ideya si Cardema kung natanggap ng Comelec official ang pera dahil nasa pag-uusap na raw ito ng nasabing mambabatas at ni Guanzon.

Una ng pinagtawanan ng commissioner ang akusasyon ng dating NYC chief.

Ayon kay Guanzon, bakit siya hihingi ng P2-milyon kay Cardema kung higit pa sa nasabing milyones ang kanyang yaman.

Dati ng iginiit ng Comelec official na disqualified si Cardema bilang first nominee ng Duterte Youth dahil overaged ito taliwas sa probisyon ng Party-list System Act.