-- Advertisements --

Nanindigan si Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon hinggil sa posibilidad na makulong si dating National Youth Commission (NYC) chair Ronald Cardema at mga nominees ng Duterte Youth party-list.

Sa isang panayam sinabi ni Guanzon na maituturing na criminal offense ang panunumpa ng Duterte Youth nominees sa kanilang certificate of nomination kung saan nakasaad ang pagiging kwalipikado umanong kandidato ni Cardema.

Sa ilalim ng Party-list System Act, hindi maaaring tumakbo o mag-representa ng youth sector sa Kongreso ang indibidwal na 30-taong gulang na pataas. Si Cardema ay 34-anyos noong panahon ng eleksyon.

Ani Guanzon, iniimbestigahan na ng Comelec law department ang posibilidad na kasuhan ng paglabag sa naturang batas si Cardema at mga kapartido nito.

Posible rin daw na ma-disqualify ang Duterte Youth dahil matapos umanong bantaan nito ang pamilya ng Comelec commissioner.