Ibinasura ng Court of Appeals 3rd Division ang petisyon ni dating Negros Oriental congressman Arnolfo Teves Jr. na kumukuwestiyon sa umano’y grave abuse of discretion ni Manila RTC Branch 12 Judge Renato Enciso kaugnay ng search warrants noong 2023.
Ang petisyon ay kaugnay ng search warrants para sa mga baril, bala, at explosives na inisyu noong 2023 laban kay Teves at sa kanyang mga anak na sina Kurt Matthew at Axl.
Iginiit ni Teves na nagkamali ang hukom dahil hindi umano nito pinawalang-bisa ang search warrants at hindi rin pinigilan ang paggamit ng mga nakuhang ebidensya.
Kinuwestiyon rin niya ang testimonya ng mga saksi, kabilang ang isang dating STL collector at isang pulis na umano’y walang personal na kaalaman sa mga armas.
Gayunman, sinabi ng CA na nabigo si Teves na patunayan ang matinding pagkakamali ng hukom at wala itong nakitang gross misapprehension of facts.
Ayon sa korte, nasunod ang tamang proseso sa pagkuha ng testimonya at legal ang saklaw ng search sa buong bahay.
Dahil dito, kinatigan ng CA ang bisa ng search warrants at itinuring na legal ang mga nakumpiskang armas at ebidensya.
Matatandaan, nahaharap din si Teves sa kasong multiple murder kaugnay ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Teves sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nililitis ang kaniyang kaso.














