Suportado ng pitong business tycoons ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pakikiisa sa 2023 Annual Meeting ng World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
Bahagi kasi ng delegasyon ng Pilipinas sina Sabin Aboitiz ng Aboitiz, Kevin Andrew Tan ng Alliance Global, at Jaime Zobel de Ayala ng Ayala Group.
Kasama rin ng Pangulo sina Lance Gokongwei ng JG Summit Holdings, Ramon Ang ng San Miguel Corp., Teresita Sy-Coson ng SM Investments, at Enrique Razon ng International Container Terminal.
Ang World Economic Forum ay isang pagkakataon para sa Pilipinas na isulong ang bansa bilang tagapagtaguyod ng kaunlaran at “gateway” ng Asia-Pacific region.
Inaasahan din ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas malakas na gross domestic product (GDP) growth sa 2022.
Sa luncheon meeting sa Davos, Switzerland, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na malaki ang tyansa na mas mabilis ang 2022 GDP growth kaysa sa target na 6.5 hanggang 7.5 percent.
Kabilang sa mga naging dahilan ng paglago ng ekonomiya ay ang pagbubukas ng sektor para sa foreign equity, pagpapagaan sa proseso ng pagnenegosyo, at pagsusulong ng public-private partnership (PPP).
Dagdag pa ni Sec. Diokno, sa kabila ng inaasahang pagbagal sa paglago ng ekonomiya sa buong mundo ngayong taon ay inaasahang papalo sa 6.5 percent ang GDP ng Pilipinas ngayong 2023.
Kasama ng Pangulo si Sec. Diokno sa Davos, Switzerland para makiisa sa World Economic Fourm.
Layon ng pamahalaan na ipresenta ang kahandaan ng Pilipinas na makibahagi sa regional at global expansion.
Sa kabilang dako, ibinahagi ni Mr. Kevin Andrew Tan, CEO ng Alliance Global Group, Inc., ay nagbahagi ng mga insight kung paano nagbibigay ng pagkakataon ang World Economic Forum (WEF) para sa bansa upang ipakita ang kuwento ng paglago nito.










