Sumali na rin ang business sector sa mga panawagan sa China na paalisin na ang kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Sa isang joint statement, inabi ng mga business groups na suportado nila sina Defense Secretary Delfin Lorenzna, iba pang government officials, at marami pang mga grupo sa iisang panawagan kontra China.
Kabilang sa mga signatories sa naturang joint statement ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Management Association of the Philippines, Makati Business Club, Filipina CEO Circle, Bishops-Businessmen’s Conference for Human Development, Judicial Reform Initiative, Cebu Business Club at Iloilo Business Club.
Kahapon naglabas ng summon ang Department of Foreign Affairs laban sa ambassador ng China sa Pilipinas na si Huang Xilian para iprotesta ang hindi pa rin pag-alis ng mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.
Iginigiit ng Pilipinas na ang Julian Felipe Reef ay pasok sa exclusive economic zone sa ilalim ng United National Convention on the Law of the Sea.
Maging si Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. ay nagsabi ulit kaninang umaga na maghahain siya ng isa pang diplomatic protest kontra China at balak niyang araw-araw ito hanggang sa tuluyang umalis sa lugar ang mga barko ng Beijing.
Sa kabila kasi ng makailang ulit na panawagan at protesta ng Pilipinas, patuloy pa ring nananatili ang mga barko ng China sa lugar pati na rin sa iba pang bahagi ng Kalayaan Island Group sa Palawan.










