-- Advertisements --

Inirekomenda sa pamahalaan ng beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo na magpatupad ng “business bubbles” para hindi naman mahirapan ang ekonomiya sa maya’t mayang pagbabago sa quarantine restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ito ni Quimbo ilang araw bago ang nakatakdang muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) status sa National Capital Region sa darating na Agosto 6 hanggang 20.

Ayon kay Quimbo, ang inirerekomenda niyang business bubbles ay kapareho lamang ang sistema ng sa tourism bubbles na mayroong vaccination policy bukod pa sa isinasagawang routine testing sa mga biyahero.

Ang konseptong ito ay maaring ipatupad din aniya sa mga work places, na kung maari ay ikonsidera ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para kahit wala sa listahan ng mga essential bussiness ay maaring pahintulutan na makapag-operate.

Para naman sa mga kompanya, sinabi ni Quimbo na maari na rin sana payagan na makapasok ang mga empleyado na fully vaccinated na.

Pero dipende pa rin aniya ito kung maibibigay din sa mga ito ang ligtas na transportasyon papasok sa trabaho upang maiwasan ang posibleng pagkahawa sa COVID-19.

Ayon kay Quimbo, ang tanong na dapat sagutin ngayon ng mga employers ay kung handa silang saluin ang dagdag gastos na ito.