
Target ng Bureau of Corrections (BuCor) na itayo sa Nueva Ecija ang bagong site para sa New Bilibid Prison sa layong matugunan ang congestion sa mga piitan.
Ayon kay BuCor chief Gregorio Catapang Jr, na ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ay maaaring magbigay ng mas malawak na espasyo para sa mga inmate o persons deprived of liberty (PDLs).
Sinabi ni Catapang na natukoy ang tatlong lugar na posibleng relocation site para sa New Bilibid Prison (NBP) nang ito ay commander pa ng 7th Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at isa nga dito ay sa Nueva Ecija sa Luzon area.
Aniya, nasa kabuuang 500 ektarya na ng lupain sa Fort Magsaysay ang inilaan para sa reloction subalit hindi naituloy ang planong pagtatayo ng NBP sa naturang site na nasa ilalim ng pangalan ng Department of National Defense (DND).
Kung idedeklara aniya ng ilang portion ng Fort Magsaysay bilang prison at penal farm sa pamamagitan ng presidential proclamation, nais nilang dito maitayo ang NBP.
Paliwanag pa ni Catapang na bagamat may mga pagmamay-aring lupain ang BuCor sa Palawan, Mindoro at sa Davao, karamihan sa mga inmate ay mula sa Metro Manila kayat nais nitong magkaroon ng piitan na malapit lamang sa north at south ng rehiyon para hindi na mahirapan pa ang mga pamilya ng mga PDLs na bumiyahe pa ng malayo para mabisita ang kanilang mahal sa buhay na nasa piitan.










