Sibak na sa pwesto ang nasa 131 pulis o buong puwersa ng dalawang municipal police station sa Negros Oriental kasunod ng madugong pamamaslang kay Governor Roel Degamo.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo, inumpisahan na ng Pambansang Pulisya ang rigodon sa mga pulis ng Bayawan City Police Station kung saan na-relieve sa pwesto ang nasa 75 kapulisan at Sta. Catalina City Police Station na mayroong 56 na pulis na inalis sa pwesto.
Aniya, ang mga ito ay pansamantalang ililipat sa provincial office at isasailalim sa refresher course at values formation programs upang muling ma-refresh at ma-reorient ang mga ito sa mga existing policies ng PNP.
Habang pansamantala namang papalitan ng ibang provincial office ng Police Regional Office 7 ang pwesto ng naturang mga pulis na nasibak sa nasabing mga munisipalidad.
“That is part of the recommendation ng SITG while ongoing yung investigation and pursuit operation at alam natin doon nakuha yung ating mga suspects at part of the investigation tinitingnan natin bakit doon pinili ng mga suspects na tumakas at isa yun sa ating iniimbestigahan. So as not to hamper and compromise the ongoing investigation, inutos ng ating SILG upon also the recommendation ng ating mga area commanders na pansamantala ilipat yung mga police personnel sa 2 nasabing munisipyo.” paliwanag ni Col. Fajardo kung bakit ang buong pwersa ng Bayawan PNP ang unang sinibak sa pwesto.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng PNP, ang balasahang ito ay initial phase pa lamang ng hakbang ng mga kinauukulan na bahagi pa rin ng imbestigasyon ng mga otoridad sa kasong walang habas na pagpatay kay Negros Oriental Governor Degamo.
Nang dahil kasi sa umano’y naging kapabayaan ng kapulisan ay sinasabing madaling nakapasok ang mga salarin sa ligar, maging sa compound residence ni Degamo para gawin ang nasabing karumaldumal na krimen.
Dahil dito ay agad na ipinag-utos ni Secretary Abalos ang pagpapatupad ng balasahan sa nasabing mga lugar at asahan aniyang palalawigin pa ang implementasyon nito sa buong lalawigan ng Negros Oriental.
“Definitely this is an offshoot of what happened ito sa kaso ni Gov. Degamo at kahapon yung atin mismong OIC si Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang nanguna doon sa implementation ng relief at siya rin mismo ang kumausap sa ating mga personnel at ipinaliwanag sa kanila kung bakit kinakailangan natin gawin itong massive relief at this will not only be the transfer na mangyayari. Today and the succeeding days ay may mga iimplement pa rin tayo na mga personnel movement at yan na rin bilang pagtalima sa utos ng SILG, Atty. Benhur Abalos.” ani Col. Fajardo.
Samantala, sa ngayon ay pinag-aaralan na ng pamunuan ng PNP ang proposed number at pagsasagawa ng reshuffle sa mga tauhan nito sa nasabing lalawigan upang hindi pa rin mabakante ang posisyon dito na aalisin ng mga masisibak na police personnel. //