-- Advertisements --
sal panelo spokesman
Presidential spokesman Sec. Salvador Panelo

Kaisa ng milyun-milyong nagdadalamhating tagahanga ng basketball icon na si Kobe Bryant ay nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, si Bryant ay palaging bumibisita sa Pilipinas at mahal ng mga Filipino fans lalo sa galing nito sa larong basketball.

Isang basketball legend aniya ang nawala sa basketball world.

“The Office of the President is saddened after learning about the tragic news of the death of NBA superstar and legend, Kobe Bryant, and her daughter, who were killed in a helicopter crash,” ani Sec. Panelo.

“The Palace extends its deepest condolences to the family, friends, colleagues, loved ones and fans around the globe who Kobe left behind. We share in their grief.”

Sa panig ni Deputy Speaker at 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, dating chairman ng Philippine Basketball Association (PBA) at may-ari ng NorthPort Batang Pier, nawalan aniya ang mundo ng isang bayani, sportsman, at gentleman.

“After his retirement from basketball, he devoted much of his time to various charitable causes, including players’ and coaches’ welfare,” ani Romero.

Iginiit ng kongresista na ang katangian na ito ni Kobe ang siyang dahilan kung bakit marami ang umiidolo sa kanya, hindi lamang sa Estados Unidos kundi maging sa buong mundo.

Samantala sa online world, kanya-kanya pa ring tribute para kay Kobe ang mga ordinaryong fans nito at maging maraming local celebrities na pawang nanghihinayang.

Nitong madaling araw (oras sa Pilipinas) nang pumanaw si Kobe matapos bumagsak ang sinakyan nitong helicopter sa Calabasas, Los Angeles, California.

Sa inisyal na impormasyon, sakay si Bryant sa kanyang private chopper kasama ang anak na si Gianna Marie at anim na iba pa nang ito’y bumulusok.

Bagama’t nakaresponde agad ang mga emergency personnel, wala raw nakaligtas sa pangyayari maging ang piloto.

Hindi naman daw kasama sa mga biktima ang asawa ni Bryant na si Vanessa.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang sanhi ng aksidente.

Ang 41-anyos na si Bryant ay isa sa mga ikinokonsiderang greatest NBA (National Basketball Association) players of all time kung saan humakot ito ng kabuuang 18 All-Star sa 20-taong karera nito sa Los Angeles Lakers.

Inakay din ng tinaguriang “The Black Mamba” ang Lakers tungo sa limang NBA championships, at itinanghal bilang NBA Finals Most Valuable Player (MVP) ng dalawang beses, at league MVP noong 2008.

Nitong 2018 nang magwagi si Bryant ng Oscar para sa kanyang short film na “Dear Basketball.”

Naulila ng mag-amang Bryant ang inang si Vanessa, at mga anak na sina Natalia, Bianca, at ang bagong silang na si Capri. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)