Hinimok ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang Department of Education (DepEd) na agarang tugunan ang umiiral na “culture of silence” sa mga biktima ng bullying matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng dalawampu. Binanggit ni Diokno na ang dalawang menor de edad na suspek ay umano’y naging biktima rin ng pang-aapi, bagay na nagdulot ng matinding pangamba sa kaligtasan ng mga kabataan sa loob ng paaralan.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat nakapasok ang baril sa loob ng eskuwelahan at nanawagan siya sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa posibleng pagkukulang sa seguridad. Idiniin ni Diokno na ang bullying ay walang puwang sa mga institusyong pang-edukasyon at maaaring mauwi sa mas malalang karahasan kung hindi agad matutugunan.
Binanggit niya ang ulat ng Second Congressional Commission on Education na nagsasabing ang bullying ay maaaring mag-escalate sa coordinated attacks na nagdudulot ng takot, absenteeism, at pag-iwas ng mga estudyante sa klase. Dagdag pa niya, hindi matatapos ang problema hangga’t hindi natutugunan ang ugat ng “culture of silence” sa mga biktima.
Kasabay nito, muling binuksan ng insidente ang usapin sa pananagutan ng mga menor de edad sa mabibigat na krimen at sa bisa ng umiiral na Juvenile Justice Law. Nilinaw ni Diokno na may mekanismo na sa batas para panagutin at i-rehabilitate ang mga menor de edad, habang may pananagutan din ang mga magulang.
Nanawagan din siya sa DepEd na magsumite ng pondo para sa anti-bullying programs, kabilang ang pagpapalawak ng Learner TeleSafe helpline sa regional level. Giit ni Diokno, kailangan ng whole-of-government approach upang matiyak na ligtas ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan.















