-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasa siyam na bahay at isang bangka ang tinangay ng buhawi nang manalasa ito sa kasagsagan ng Bagyong Agaton sa Barangay Ochando, New Washington, Aklan.

Inihayag ni Punong Barangay Danilo Regalado Jr., na nasaksihan niya mismo ang insidente kung saan nagtumbahan ang mga malalaking punong-kahoy at nagliparan ang bubong ng mga bahay kasabay ng biglang pagdilim ng kalangitan na tumagal ng halos lima hanggang 10 minuto.

Kaugnay nito, kaagad na inilikas ng barangay council ang mga pamilya na apektado upang mabigyan ng ayuda at pansamantalang nagpalipas ng gabi sa evacuation center.

Samantala, dahil sa walang tigil na pag-ulan mula pa kahapon ay binaha ang ilang bayan sa Aklan partikular ang Batan at Altavas dahilan upang magsagawa ng forced evacuation ang kani-kanilang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office upang mailikas sa mas ligtas na lugar ang mga residente.

Sa kasalukuyan ay patuloy na minomonitor ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council partikular ang mga mabababang lugar sa Aklan upang mabilis na ma-rescue ang mga nagpapasaklolo.