-- Advertisements --

Malapit nang makumpletong muli ang sikat na K-pop boy band na BTS matapos na opisyal nang na-discharge mula sa military sina Park Ji-min at Jeon Jung-kook ngayong Miyerkules, June 11.

Ito ay matapos makumpleto nina Jimin at JK ang 18 buwang mandatory military services sa South Korean military. Magkasamang na-enlist ang dalawang BTS members noong December 12, 2023.

Ang military discharge naman ng dalawa ay isang araw matapos makumpleto ng kanilang kabanda na sina RM at V ang kanilang military service at na-discharge nito lamang Martes, June 10.

Magkasabay na dumating sina Jimin at JK sa labas ng kanilang military base at binati ang mga nag-aabang na fans at media.

Sina Jimin at JK ang pang-lima at pang-anim na miyembro ng BTS na nakakumpleto ng military service. Unang nakatapos ng military service ay si Kim Seok-jin na sinundan ni Jung Ho-seok o J-Hope noong nakalipas na taon.

Sa ngayon, tanging ang BTS rapper na si Min Yoon-gi o Suga ang natitira na nasa public service at inaasahang ma-discharge sa June 21.

Nakatakda namang mag-reunion ang mga miyembro ng BTS sa kanilang 12th debut anniversary sa idaraos na 2025 BTS Festa sa June 13-14 sa Goyang, Gyeonggi Province