Inaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang temporary relief para sa financial institutions at kanilang customers sa gitna ng krisis sa langis bunsod ng tensiyon sa Middle East, na nakaapekto sa ekonomiya.
Kaugnay nito, ang mga bangko ay maaaring magbigay ng grace period na anim na buwan o higit pa, at ang mga agricultural loan ay maaaring ipagpaliban ng hanggang isang taon.
Ang mga pautang naman ay maaaring hindi isama sa klasipikasyon bilang past-due o non-performing o hindi nagbabayad, sa loob ng hanggang isang taon, depende sa mga panuntunan sa pag-uulat ng BSP, lalo na para sa mga apektadong nangungutang.
Saklaw ng relief ang mga restructured loan o mga pautang na hindi nabayaran dahil sa emergency, kung saan maaaring bigyan ng special treatment sa pag-uulat ng bangko.
Layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang mga borrower na makabangon at maiwasan ang maling marka sa kanilang credit record, kasunod ng deklarasyon ng National Energy Emergency sa bansa.
Ang mga hakbang na ito ay sumasailalim pa rin sa lender assessment o pagtatasa ng bangko.
















