CENTRAL MINDANAO – Personal umanong alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril-patay sa isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Iskak Amil alyas Kumander SK, brigade commander ng 105th Base Command ng MILF at residente ng Sitio Bagorot, Barangay Tuayan, Mother Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay Datu Hoffer Ampatuan chief of police Lieutenant Billy Fontanilla na lulan ang biktima sa kanyang minamanehong motorsiklo na ‘di kalayuan sa kanyang bahay at sakahan nang ito ay pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang M14 at M16 armalite rifle.
Patay on the spot si Kumander SK nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Agad namang tumakas ang mga suspek nang magresponde ang mga tauhan ni Kumander SK at mga pulis.
Sinabi ni Lt. Fontanilla na posibleng may kinalaman sa nakaraang insidente ng pangha-harass sa detachment ni Amil ang pamamaril sa kanya.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Datu Hoffer PNP sa pamamaril patay sa biktima.