Nanindigan ang isa sa mga framers ng 1987 Constitution na dapat magkahiwalay ang botohan ng Senado at Kamara pagdating sa mga itinutulak na amiyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay retired Supreme Court justice at kasalukuyang Philippine Judicial Academy chancellor Adolf Ascuna, nakasaad sa Article 17 ng Saligang Batas na kailangan ang 3/4 vote ng buong Kongreso.
Kung babalikan aniya ang nakasaad naman sa Article 6 ng Konstitusyon, ang salitang “Kongreso” ay tumutukoy sa Senado at Kamara.
Dahil sa bicameral structure na ito, kailangan aniya gawing magkahiwalay at hindi joint ang botohan sa mga itinutulak na amiyenda sa Charter.
Pero kinontra ito nina One Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta sa pagsasabi na may mga aksyon naman ding ginagampanan ang Kamara at Senado na hindi naman bicameral.
Inihalimabawa rito ni Marcoleta ang pagbasura sa mga treaty na pinasok ng Pilipinas sa international community.
Nangangamba si Marcoleta na kung hindi jointly gawin ang botohan sa mga itinutulak na amiyenda sa Saligang Batas ay maaring mauwi lamang sa wala ang pagsusumikap ng Kamara kung tutulan ito ng Senado.
Pero ayon kay Ascuna, parehong binibigyan ng kapangyarihan ang Kamara at Seando sa pag-amiyenda ng Saligang Batas.
Samantala, sinabi naman ni Ascuna na kailangan ng “signal” mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso bago sila umupo bilang Constituent Assembly (ConAss).
Maari aniyang isagawa ito sa pamamagitan ng isang joint resolution o pag-apruba sa isang batas, upang sa gayon malinaw na hindi na sila umuupo bilang legislative body kundi ConAss na.










