Naitabla na ng Boston Celtics ang serye sa tig-dalawang panalo matapos na makaganti sa Miami Heat sa Game 4 ng Eastern
Conference finals, 102-82.
Sa first half pa lamang ay agad na umabanse ang Boston, habang tinangka pang mahabol ito ng Miami sa third quarter at sa fourth quarter.
Gayunman kinapos na ang Miami na mahabol pa ito.
Bumawi naman sa kanyang laro ang All-Star ng Boston na si Jason Tatum na may 31 points.
Ito ay kahit wala ang kanilang NBA Defensive Player of the Year na si Marcus Smart na merong sprained right ankle na kanyang nakuha sa Game 3.
Sinamantala ng Boston na minalas sa kanilang mga tira ang limang starters ng Heat dahil na rin sa inilatag nilang matinding depensa.
Sa fourth quarter ay hindi na pinabalik ng coach ang mga ito na merong pang dinaramdam.
Kabilang na si Jimmy Butler na nagpapagaling pa rin sa pamamaga ng kanyang tuhod, si Kyle Lowry ay may strained left hamstring, habang si Max Strus ay meron ding strained hamstring at si PJ Tucker na iniinda rin ang left knee irritation.
Si Bam Adebayo ay meron lamang nine points.
Si Victor Oladipo ang nanguna sa puntos mula sa bench ng Heat na may kabuuang 23 points.
Halatang kulang sa init ang Heat bunsod na wala rin si Tyler Herro na nagkaroon ng groin injury sa huling bahagi ng Game 3.
May pagkakataon namang muling makabawi ang Miami sa Game 5 na gagawin sa Huwebes.